sa renggang binubuo ng ating mga dila,
nagtatalo ang mga linyang nagpapatong-patong;
nagsasalitan ang mga mapapait na halik
na dahan-dahang dumudulas pababa.
ngayong gabi, itinatayo natin ang tulang sisira
sa kuwentong pilit nating isinalaysay.
muli nating aariin ang mga titik na bumabaybay
sa munting himig ng ating nakaraan.
sa patalsik na pagbato ng mga huli nating salita,
hinahagkan ng iyong katawan ang sinag ng araw
habang nakahimlay ako, nag-iisa, nakakulong
sa renggang winasak ng ating mga dila.
Wednesday, July 29, 2009
sa renggang binubuo ng ating mga dila
sa sawsawan
itinatakwil ng iyong kaputian
ang putik sa paligid ng iyong haligi,
at itinatago ng kinis ng iyong mukha
ang pagputok ng mantika patungo sa iyong braso
habang ipiniprito mo ang binili kong siomai.
at marahil, sa tamis-anghang ng iyong labi,
hindi ko mapapansin ang lasa ng bawang
sa sawsawan.
Monday, July 27, 2009
Abschattungen
Abschattungen, sapagkat nakikita lamang natin ang mundo batay sa magkakasunud-sunod na imahen at anino nito, sapagkat hindi natin maaaring alamin ang mundo.
Sapagkat ang paglalarawan lamang nito ang maaari nating gawin. At sa paglalarawan ng mundo, malalaman natin kung ano ang kahulugan at ang kahalagahan nito sa atin.
ang tulang hindi nagsisimula
dadayain ka ng tulang ito.
dahil naghahanap ka ng simula,
paiikutin ka ng tulang ito.
dahil may kagandahan sa pag-ikot,
hindi nagwawakas ang tulang ito.
dahil hiling mo ang habambuhay,
Sunday, July 26, 2009
Paano ba magsulat ng isang kuwento?
Paano ba magsulat ng isang kuwento? Alam ko namang hindi ako magaling magkuwento. Pero bilang consolation prize, baka naman may pagkakaiba ang pagkukuwento sa pagsusulat ng kuwento. Nang sinabi kong hindi ako magaling magkuwento, ibig kong sabihin na hindi ako magaling sa pagwika ng kuwento. Nabubulol at madalas akong sumasambit ng mga pahabol: kunwari nasa kalagitnaan na ako ng isang eksena, bigla kong sasabihin, Ay, Bago pala iyon mangyari, may ganiyan at ganito muna. Ngunit ganito rin ba kapag nagsusulat ako ng kuwento? Wala pa akong natatapos, ngunit nakapagsimula na ako sa pagsusulat ng isa o dalawang kuwento. Hindi ko matapos-tapos ang mga kuwento sapagkat hindi ko alam kung tungkol saan ang mga ito. Nagsusuka lang ako ng mga salita at ideya; para akong diyos na nagtatapon ng mga tao sa isang mundo na ginawa ko sa loob ng seven minutes.
Marahil hindi nga ako maaaring maging isang kuwentista. Gayumpaman, gusto kong malaman kung may pagkakaiba ang pagsusulat ng kuwento sa pagsasawika ng kuwento, na tatawagin ko na lamang pagkukuwento (sapagkat nagsimula ang pagkukuwento sa salita, sa pagwika nito). Alam kong on the spot ang pagkukuwento, maliban na lang kung nagkukuwento ako nang eksakto mula sa isang teksto. Hindi memoryado ang kuwento, subalit mula ito sa alaala o imahinasyon dahil on the spot nga ito. Masasabi ko ngayong iba ang pagkukuwento sa pagsusulat ng kuwento. Maaari akong magbura ng mga pangungusap. Maaari kong isantabi ang isang tauhan, maaari kong sirain ang tagpuan, maaari kong baguhin ang mga pangyayari. Maaari kong gawin ang lahat ng ito sapagkat hindi pa talaga naikukuwento ang isinusulat kong kuwento. Kung ang pagkukuwento ang paghahabi ng isang kuwento, ang pagsusulat naman ng kuwento ang paglikha at pagwasak ng isang kuwento bago pa man ito ipanganak. Pero bakit? Dahil may kapangyarihan akong magrebisa.
Sa pagrerebisa ko maaaring baguhin ang kuwento ayon sa aking ninanais. Lalong dumali ang pagrerebisa sa panahon ng kompyuter at ng mga word processor, dahil napakadaling magbura ng mga ideya, ng mga pangungusap, ng mga salita. Pipindutin ko lang ang backspace o ang delete at mawawala ang mga titik na bumubuo sa mga salitang bumubuo sa pangungusap. Buti pa ang kompyuter, marunong lumimot, samantalang tayo, nakakalimot lang. Marunong din itong maniwala sa kahit anong sabihin mo rito. Hindi ito aangal kahit sabihin ko na bahagi talaga ng Estados Unidos ang Pilipinas.
Mahiwaga ang kompyuter. Kaya nitong ipagtagpi-tagpi ang mga salita at makagagawa na ito ng kuwento. Hindi mahalaga kung may saysay ang kuwento. Nakasulat pa rin ito ng kuwento. Ngunit pagsusulat ba ng kuwento ang pagsusulat ng mga eksenang walang pinatutunguhan? Kuwento pa ba ang pinagtagpi-tagping mga pangungusap na walang saysay?
Parang buhay ng tao lang iyan. Minsan may lohika ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Minsan wala. Walang pinatutunguhan ang kuwento ng tao. Sabihin mo na ang simula ng kuwento ng isang tao ang pagkapanganak niya at ang pagkamatay niya ang katapusan ng kaniyang kuwento, ngunit lahat ng nangyari sa pagitan, lahat ng kaniyang mga naranasan – nakatuon ba iyon lahat sa kaniyang pagkamatay? Walang pinatutunguhan ang kuwento ng isang tao sapagkat buhay siya; at habang buhay siya, walang nagtatakda sa kaniyang pagkilos. Tao siya sapagkat malaya siya, at siya ang humuhubog sa kaniyang sarili at sa kaniyang kuwentong siya lamang ang puwedeng magsalaysay.
Paano ba magsulat ng isang kuwento? Ewan ko.
sa banyo ko inilalabas
sa banyo ko inilalabas
ang kinain ko
kung saan tahimik at
mapayapa
kung saan nakabukas ang ilaw
at may nakalaang trono sa akin
sa banyo
inilalabas ko ang katotohanan
plokplok
plok
Labels
- tula {17}
- pagsasanay {3}
- prosa {3}
- catharsis {2}
- draft {2}
- pagmumuni-muni {2}
- rant {2}
- renga {2}
- work-in-progress {2}
- cliché {1}
- ezra pound {1}
- jorge luis borges {1}
- nick lantz {1}
- paalam {1}
- sanaysay {1}
- t.s. eliot {1}
- typeface {1}
Time Machine
- {3} March 2010
- {1} January 2010
- {4} December 2009
- {1} November 2009
- {6} September 2009
- {6} August 2009
- {6} July 2009