Sunday, July 26, 2009

Paano ba magsulat ng isang kuwento?

Paano ba magsulat ng isang kuwento? Alam ko namang hindi ako magaling magkuwento. Pero bilang consolation prize, baka naman may pagkakaiba ang pagkukuwento sa pagsusulat ng kuwento. Nang sinabi kong hindi ako magaling magkuwento, ibig kong sabihin na hindi ako magaling sa pagwika ng kuwento. Nabubulol at madalas akong sumasambit ng mga pahabol: kunwari nasa kalagitnaan na ako ng isang eksena, bigla kong sasabihin, Ay, Bago pala iyon mangyari, may ganiyan at ganito muna. Ngunit ganito rin ba kapag nagsusulat ako ng kuwento? Wala pa akong natatapos, ngunit nakapagsimula na ako sa pagsusulat ng isa o dalawang kuwento. Hindi ko matapos-tapos ang mga kuwento sapagkat hindi ko alam kung tungkol saan ang mga ito. Nagsusuka lang ako ng mga salita at ideya; para akong diyos na nagtatapon ng mga tao sa isang mundo na ginawa ko sa loob ng seven minutes.

Marahil hindi nga ako maaaring maging isang kuwentista. Gayumpaman, gusto kong malaman kung may pagkakaiba ang pagsusulat ng kuwento sa pagsasawika ng kuwento, na tatawagin ko na lamang pagkukuwento (sapagkat nagsimula ang pagkukuwento sa salita, sa pagwika nito). Alam kong on the spot ang pagkukuwento, maliban na lang kung nagkukuwento ako nang eksakto mula sa isang teksto. Hindi memoryado ang kuwento, subalit mula ito sa alaala o imahinasyon dahil on the spot nga ito. Masasabi ko ngayong iba ang pagkukuwento sa pagsusulat ng kuwento. Maaari akong magbura ng mga pangungusap. Maaari kong isantabi ang isang tauhan, maaari kong sirain ang tagpuan, maaari kong baguhin ang mga pangyayari. Maaari kong gawin ang lahat ng ito sapagkat hindi pa talaga naikukuwento ang isinusulat kong kuwento. Kung ang pagkukuwento ang paghahabi ng isang kuwento, ang pagsusulat naman ng kuwento ang paglikha at pagwasak ng isang kuwento bago pa man ito ipanganak. Pero bakit? Dahil may kapangyarihan akong magrebisa.

Sa pagrerebisa ko maaaring baguhin ang kuwento ayon sa aking ninanais. Lalong dumali ang pagrerebisa sa panahon ng kompyuter at ng mga word processor, dahil napakadaling magbura ng mga ideya, ng mga pangungusap, ng mga salita. Pipindutin ko lang ang backspace o ang delete at mawawala ang mga titik na bumubuo sa mga salitang bumubuo sa pangungusap. Buti pa ang kompyuter, marunong lumimot, samantalang tayo, nakakalimot lang. Marunong din itong maniwala sa kahit anong sabihin mo rito. Hindi ito aangal kahit sabihin ko na bahagi talaga ng Estados Unidos ang Pilipinas.

Mahiwaga ang kompyuter. Kaya nitong ipagtagpi-tagpi ang mga salita at makagagawa na ito ng kuwento. Hindi mahalaga kung may saysay ang kuwento. Nakasulat pa rin ito ng kuwento. Ngunit pagsusulat ba ng kuwento ang pagsusulat ng mga eksenang walang pinatutunguhan? Kuwento pa ba ang pinagtagpi-tagping mga pangungusap na walang saysay?

Parang buhay ng tao lang iyan. Minsan may lohika ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Minsan wala. Walang pinatutunguhan ang kuwento ng tao. Sabihin mo na ang simula ng kuwento ng isang tao ang pagkapanganak niya at ang pagkamatay niya ang katapusan ng kaniyang kuwento, ngunit lahat ng nangyari sa pagitan, lahat ng kaniyang mga naranasan – nakatuon ba iyon lahat sa kaniyang pagkamatay? Walang pinatutunguhan ang kuwento ng isang tao sapagkat buhay siya; at habang buhay siya, walang nagtatakda sa kaniyang pagkilos. Tao siya sapagkat malaya siya, at siya ang humuhubog sa kaniyang sarili at sa kaniyang kuwentong siya lamang ang puwedeng magsalaysay.

Paano ba magsulat ng isang kuwento? Ewan ko.

11 comments:

Geneve Guyano said...

Tama ka, minsan may lohika, minsan wala. Layunin naman kasi ng kuwento ang maglahad ng mga pangyayari, kahit pa ba may patutunguhan ito o wala.

Hindi ko rin alam kung paano magsulat ng kuwento.

xxx
xoxo.

p.s. hi kuya pepito!

Pepito said...

Salamat Geneve, pero huwag mo naman akong tawaging kuya. Haha.

Pepito said...

Idaragdag ko lang: ano ba ang layuning ng kuwento? Simple lang: ang magkuwento.

Kailangan bang may saysay ito? Kung wala itong saysay, hindi ba parang dinaya ka ng kuwento, sinayang nito ang oras mo.

Geneve Guyano said...

Oo nga, ang magkuwento. Pero hindi ba may "suspense" ang mga kuwento sapagkat hindi natin malalaman ang mga mangyayari hanggang hindi ito nababasa?

Iyon nga ang kagandahan ng mga kuwento, hindi mo alam kung nadaya ka o hindi. Madaya ka man, kahit papaano sa mga nasayang na oras mo, napasok mo ang ibang mundo, na isa sa mga bagay na ginagawa ng isang kuwento sa mambabasa nito.

xxx
xoxo.

p.s. mahirap hindi mag-kuya, freshie lang ako! ;p

eejay said...

sabi ko meron akong kuwento kaso alam kong alam mong hindi ako makapagkuwento sabi ko.

pero, kahit ngayon, kahit dito, nagkukuwentuhan na rin tayo.

ps:

anong ibig sabihin ng

xxx
xoxo?

:D

Pepito said...

Nagkukuwentuhan o nag-uusap? Haha.

Bunga ng salita ang kuwento, at binibigkas ang salita. At dahil sa katangian na pabigkas nito, masasabing panlipunan ang pagkukuwento dahil may kinukuwentuhan ang nagkukuwento, na marahil hindi rin natin ito mailalayo sa pakikipagkumustahan, sa pakikipagchismisan, sa pakikipag-usap, at iba pa.

Bias ko na lang talaga kung ano ang "kuwento", kumbaga may mga gusto akong pagbatayan sa pagsusulat ng isang kuwento. Pero sa tingin ko kung hindi natin gagawan ng sariling interpretasyon ang kuwento, hindi natin magagawang magkuwento mula sa puso.

Geneve Guyano said...

mas nag-uusap kayo kaysa nagkukuwentuhan. ;p

xxx
xoxo.

p.s. panapos ko ang katagang nasa taas, kinuha ko ang ideya (ng xxx) sa fan mail na ipinadala sa akin ni Tom Felton at Daniel Radcliffe noong elementary ako. 'Yung xoxo bahala ka nang alamin kung ano 'yun. hahaha.

EJ said...

ano bang pamantayan para masabing kuwento ang isang kuwento? at kung tama ako sa iniisip mo ngayon, sigurado ba tayong yan ang pamantayan para masabing kuwento ang isang kuwento?

ps:
sino si tom felton? haha

Pepito said...

May pamantayan ba na nagsasabi at nagdidikta kung ano ang isang kuwento?

p.s. si Draco Malfoy sa Horny Peter.

Geneve Guyano said...

Mayroong pamantayan ito. Kung mayroon itong isa o lipon ng mga pangyayari, masasabi mong ito ay kuwento.

Saka lamang magiging kuwentuhan ang isang usapan. Dahil ang usapan ay palitan ng mga pananaw, pag-iisip at pakiramdam sa isa o marami pang bagay.

Ito, sa palagay ko, ang pamantayan ng kuwento.

xxx
xoxo.

p.s. Bakit naman ganoon ang tawag mo sa Harry Potter? (Diyan ako nagsimulang magbasa ng mga nobela at napamahal na ako diyan.) hahaha.

Pepito said...

HETO NA DADAKO NA SA AESTHETICS NG KUWENTO.

Joke lang. Problema ng postmodernism, kinukuwestiyon ang lahat ng pamantasan, kanon, atbp. Ang maganda rito, nagkakaroon ngayon ng pagkakataong maisaatin ang mga shit. Kunwari sasabihin ko ganito ang tula para sa akin: blah blah blah. Pero hindi naman nangangahulugang maganda agad 'yung tulang ginagawa ko, sapagkat may Form pa ring nananaig sa kahit anong artwork (o bagay – ito 'yung sinasabi mo Geneve). Or not. Next time na 'to, tatapusin ko na lang 'yung mga shit na walang kuwenta, baka makatulong sa pagklaklaro ng mga 'di ko mapanghawakan ngayon.

Pero batay sa nababasa ko sa teksto so far, bukod sa pagiging thing ng isang artwork, isa itong allegory, or symbol, na may reference sa iba, ngunit may kabuuan din ito. Syempre, puna lang 'yan ng isang nilalang.

Lahat nang ito meta na parang gago, pero nagkakaroon lang, para sa akin, ng silbi ang mga ito kapag nagbibigay ang mga ito ng bagong pagtingin sa isang bagay, o kapag naglilinaw ito ng mga kaugnayan ng mga bagay-bagay, lalo na kapag nawasak ang pagkakaugnay ng mga bagay-bagay.

(Horny Peter and the Sorcerer's Daughter – sabi nung shirt na nakita ko)